“Dapat nang buwagin ang kartel ng sibuyas na hindi lamang nakakapinsala sa kabuhayan ng mga lokal na magtatanim kundi sa ekonomiya ng bansa. Dapat itong gawin ni  Agriculture Secretary Proceso Alcala upang mapigil ang napipintong krisis sa sibuyas at matigil na ang pagmamanipula sa presyo nito ng iilan. ”

 Ito ang sinabi ni Senador Joseph Victor G. Ejercito nang ilantad ni Samahang  Industriya ng Agrikultura (SINAG) chairman Rosendo So ang pag-iral ng kartel ng sibuyas sa bansa na nagsasagawa ng “overstocking” ng imported at smuggled na sibuyas kung kaya’t binabagsak nito sa napakababang presyo ang lokal na ani.

 Inirehistro rin niya ang ganitong pagmomonopolyo ang dahilan kung bakit nagpanukala siya na angsmuggling ng bigas ay isang uri ng economic sabotage na dapat parusahan ng batas. Inihain niya ang Senate Bill No. 282 para dito. Plano niyang palawakin ang sakop nito laban sa pagmomonopolyo ng iba pang produktong agrikultural.

 “Kung totoo ang paglalantad na ginawa ni SINAG chair Rosendo So sa pag-iral ng kartel ng sibuyas sa bansa, talagang nakakaalarma na ito. Ano na ang ginagawa  ni Agriculture Sec. Alcala hinggil dito o tama ba ang hinala ng marami na pinoprotektahan din niya ang kartel na ito tulad ng diumanong pagtatanggol niya sa kartel ng bawang na pumerwisyo ng husto sa magtatanim ng bawang at maging sa ekonomiya ng bansa?” sabi ni Senador Ejercito.

Batay kay SINAG chair So, ibinababa ng magsisibuyas ang presyo sa P10-12 kada kilo sa sibuyas at P7-9 naman para sa pulang sibuyas subalit madalang pa rin ang pagbili sa kanila ng mga onion traders. Idinagdag pa ni So na ginagawa nila ito habang hindi naman gaanong bumababa ang presyo ng sibuyas sa mga palengke at supermarkets na nananatili sa P35-40 kada kilo.

 Inirehistro rin ni Senador Ejercito na kailangang magsagawa na ang gubyernong Aquino ng mabilisang pag-inspeksyon sa mga warehouses sa Metro Manila at katabing mga probinsiya nito na diumano’y punung-puno ng mga imported at smuggled na sibuyas.

 Si Senador JV ay ang chairman ng Senate Committee on Economic Affairs at kilalang may adbokasya sa pagsusulong ng sektor ng agrikultura sa bansa.

###

Press Release

Rikki Mathay /( 02) 5526748