Mariing binatikos ni Senator JV Ejercito ang kakulangan ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) na protektahan ang publiko sa patuloy na pagtaas ng singil sa kuryente.

Ito ay matapos na hilingin ni Sen. Ejercito na pag-aralan ang Epira, batay sa kanyang isinumiteng Senate Resolution No. 416.

Ayon sa senador, merong kakulangan sa EPIRA sa pangunahing layunin nitong protektahan ang publiko sa mga pang-aabuso ng power producers kaya naman hinihingi niya na pag-aralan ang mga probisyon sa Epira upang lalong mabigyan ng proteksyon ang mamamayan.

Sa ngayon, nagtatamasa ang mga power producers sa patuloy na pagtaas ng singil sa kuryente habang pasan-pasan naman ng taong bayan ang hirap sa dagdag gastos kada buwan.

Ang dagdag na singil ay umabot na ng P4.15 per kilowatt hour na sisingilin sa loob ng tatlong buwan

Ang dagdag na singil ay bunsod umano ng pansamantalang pagsara ng Malampaya gas field at sinabayan pa ng pagsasara ng ilang power plants.

Sinabi pa ni Sen. Ejercito na ang pagkukuntsaba umano ng mga power players ang siyang dahilan kung bakit parang wala nang ngipin ang Epira para buwagin ang cartel at mabigyan ng mababang singil ng kuryente ang mamamayan.

“Overpricing is not new for power companies. The problem is, even after the implementation of the EPIRA law in 2001, the power rate has not lowered. In fact, it increased more than three-folds. The current generation rate is P9.107 per KwH, three times higher compared with the generation rate of P3.846 per KwH back in 2001,” saad pa ng minority senator.

Dagdag pa ni Sen. Ejercito, kapag hindi mababago ang EPIRA law ay patuloy na aabusuhin ng mga power producers ang taong bayan.

###

PRESS RELEASE

Reference: Rikki Mathay