Contra-SONA ni Senador JV Ejercito
PANIMULA
Ginoong Pangulo, mga kapwa senador, mga kababayan, magandang hapon.
Dalawampu-t isang buwan na lamang ang nalalabing panahon sa termino ng panunungkulan ng Pangulong Benigno Aquino III. Umaasa ng mabilis na aksyon, konkretong resulta, at tunay na pagbabago ang sambayanang Pilipino.
Ginoong Pangulo, napakagandang pakinggan ang mga idi-netalye sa SONA.Masasabi nating ito na ang pinakamagandang SONA ng Pangulong Aquino. Malumanay, malaman sa katuparan at walang gaanong bahid ng pasaring sa mga kaaway sa pulitika. Subalit Ginoong Pangulo, gaano man kaganda ang narinig natin sa SONA, tila maraming isyu ang hindi nabigyang-linaw. Ang datos o is-ta-tis-tikang binanggit ay hindi marahil sumasalamin sa TUNAY na sitwasyon ng ating mga kababayan, lalo na ang mga karaniwang masang Pilipino.
Minabuti kong tumindig ngayon Ginoong Pangulo, upang ipaabot ang tinig ng mga karaniwang mamamayan, ang mga kapus-palad sa mga lansangan, ang mga magbubukid, ang ating mga kababayang patuloy na NALULUGMOK sa kahirapan, at pinapasan araw-araw ang bigat at parusa ng pamumuhay. Ito ang makatotohanang katayuan ng ating mga kababayan. MARAMI ANG WALANG OPORTUNIDAD, WALANG MALIWANAG NA KABUHAYAN, WALANG GINHAWA AT WALANG MALINAW NA KINABUKASAN.
ECONOMIC GROWTH
Ginoong Pangulo, magandang pakinggan ang pagtaas ng investment grade ratings na makakatulong sa pagsulong ng ekonomiya. Tumaas daw ang koleksiyon ng buwis ng limandaang bilyong piso.
Malaking ambag din daw sa pagsigla ng ekonomiya ang pagtaas ng paggastos sa im-pras-trak-tura. Subalit sa nakalipas na tatlong taon, ang infra-structure spending sa ating G.D.P. ay HINDI lumampas ng two percent. Nananatiling kulelat pa rin ang Pilipinas sa kalidad ng imprastraktura ng mga bansang miyembro ng ASEAN-5.
Ginoong Pangulo, ang mababang kalidad at kakulangan ng imprastraktura sa bansa ang nagdudulot ng MABIGAT NA DALOY NG TRAPIKO, NA ISA RIN SA MGA DAHILAN NG MABAGAL NA EKONOMIYA. Ayon sa JICA, tinatayang dalawang bilyong piso kada araw ang nasasayang dahil sa usad ng trapiko sa ating bansa. Nakapagtataka tuloy kung talaga bang naabot ng pamahalaang Aquino ang 7.5 percent ng pagtaas sa GDP ngayong taon. Kaiba ito sa forecast ng I.M.F. na babagal ng 6.2 percent ang ating ekonomiya sa taong ito at malamang na manatili na sa numerong ito hanggang 2016.
Malaki pa ang pangangailangan para sa karagdagang kalsada, ng makabagong riles at tren, ng modernong daungan at mga paliparan. Ito dapat ang mga prayoridad na TUNAY na makakatulong sa pag-unlad ng ating ekonomiya at magdudulot ng oportunidad para sa ginhawa ng bayan.
Ginoong Pangulo, MALALA ANG KAWALAN NG TRABAHO. MALALA ANG KAHIRAPAN. Sa ngayon, nasa 7.25 percent ang walang trabaho mula sa kabu-u-ang labor force ng bansa. Pinakamataas tayo sa buong Southeast Asia. Tayo rin ang may pinakamababang foreign direct investments sa ASEAN region. Mula 2011 hanggang 2013, higit kumulang 8.4-bilyong dolyar na FDIs lamang ang pumasok sa Pilipinas na pinakamababa kumpara sa ating mga karatig bayan.
Halos hindi na nga nadaragdagan, nababawasan pa ang mga investors sa bansa, tulad ng pag-alsa balutan ng ilang malalaking kumpanya. Maaaring nakadagdag din sa pangamba ng foreign investors ang paglala ng tensyon sa pagitan ng gobyernong Pilipinas at gobyerno ng Tsina hinggil sa West Philippine Sea. Malaking balakid din ang labis na pagbubuwis at sobrang paghihigpit sa kinakailangang dokumento, ang wala sa lugar na pag-usisa sa kakayanan ng foreign investors, at ang di-inaasahang pagpataw ng mga buwis.
Sa kabuuan, Ginoong Pangulo, kailangang maakit natin ang investors na mamuhunan sa ating bansa upang hindi lamang palakasin ang ekonomiya. Bagkus ay para mabigyan ng trabaho ang milyun-milyong Pilipino na walang hanapbuhay. Kailangang bigyan sila nang maayos na investment climate, matinong im-pra-struk-tura, maliwanag na proseso sa pagbibigay ng lisensiya, maayos na sistema ng komunikasyon at transportasyon, at makatuwirang singil sa kuryente.
BASIC COMMODITIES
Ginoong Pangulo, naniniwala rin ang ating mga kababayan, na ang ipinagmamalaki nating pag-unlad daw ng ekonomiya, ay hindi nararamdaman at walang trickle-down effect sa mga Pilipino. Para sa karaniwang mama-mayan, ito ay mga is-ta-tis-tika lamang na bukang-bibig ng administrasyon at laman ng mga pahayagan. Ibig sabihin, hindi po ito inclusive.
(PAUSE FOR VIDEO: Audio In: “Pababain naman ang bilihin… Audio Out: …ngayon kuwarenta na.” )
Tumaas ang halaga ng bigas mula thirty pesos kada kilo noong 2012 hanggang forty two pesos kada kilo ngayon. Sumirit din ang presyo ng pagkaing agrikultural katulad ng mga gulay ng sampu hanggang tatlumpung porsiyento. Pati bawang at arina, tumaas ang presyo. Ito talaga, ginoong pangulo, ang may tunay na growth rate. Tumaas ang presyo ng LPG mula Five Hundred Sixteen Pesos kada tangke noong 2012, na ngayon ay Eight Hundred Forty Pesos na. Patuloy din ang pagtaas ng gasolina mula Thirty Nine Pesos kada litro noong 2012 at nagintg Fifty Three Pesos naman noong 2013. PATAAS NANG PATAAS ANG BILIHIN. SAHOD NA LANG ANG HINDI TUMATAAS.
Ginoong Pangulo, kung pag-uusapan ang kakayahan ng bawat Pilipinong gumastos, HINDI GUMALAW SA FOUR HUNDRED SIXTY-SIX PESOS ang arawang minimum na sahod ng mga manggagawa sa N.C.R. Batid nating pinakamataas na ang sahod na natatanggap ng mga manggagawa sa N.C.R. kumpara sa tinatanggap sa iba’t ibang rehiyon ng ating bansa.
Mismong ang ating mga kababayan, Ginoong Pangulo, ang nagsasabi na patuloy ang paglala ng kahirapan. Ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations, FIFTY FIVE PERCENT NG PAMILYANG PILIPINO ANG NAGSABING NAGHIHIRAP sila, kumpara sa fifty three percent noong Marso 2014. Ganito rin ang lumabas sa Pulse Asia survey noong Disyembre 2013, na FIFTY FIVE PERCENT ANG NAGSABING MAS MALALA ANG BUHAY NILA NGAYON at thirty six percent ang walang pagbabago. Limampung porsiyento ang nagdeklarang mas sumama ang kalagayan ng ekonomiya ng bansa.
Ginoong Pangulo, hangga’t ang kayang bilhin lamang ng mga Pilipino ay patingi-tingi – sachet na toothpaste at shampoo, sulit pack na delata, instant noodles, isang hating sabon – ay nangangahulugang napakababa ng kakayahan ng ating mga kababayan para gumastos. Bakit hindi natin ambisyunin na ang mabili nila ay kahon-kahon, galon-galon at buo-buong pakete ng iba’t ibang produktong kailangan nila? Kapag nangyari ito, doon lang natin masasabi na umahon na nga sila sa kanilang hikahos na buhay.
AGRICULTURE AND SMUGGLING
Kinikilala natin Ginoong Pangulo, ang pagsusumikap ng pamahalaang Aquino na maitaas ang antas ng mga produktong agrikultural, sa kabila ng palagiang pananalasa ng mga bagyo sa bansa. Magandang pakinggan ang nagawa ng DPWH at DA na mga bagong kalsada para sa sektor ng agrikultura. Subalit, dahil sa makalumang mga makinarya sa sakahan, kakapusan sa pondo, at kahirapan sa kompetisyon sa importasyon, hindi naging makabuluhan ang paggamit sa mga kalsadang nabanggit.
Nakapagtataka rin ang nangyayari sa katayuan ng suplay ng ating bigas. Mukhang kailangan nating ipaliwanag kung bakit dalawang taon na ang nakaraan nang sabihin ni Agriculture Secretary Proceso Alcala, at IBINIDA pa sa dating SONA ng Pangulo, na hindi na raw tayo mag-iimport ng bigas. Sa halip daw, tayo na ang mag-eexport ng bigas sa ibang bansa. Pero ang totoo ay kabaligtaran ang nangyayari ngayon.
Hinggil naman sa irigasyon o patubig, NAPAKARAMING pondong nalikom ng nakaraan at kasalukuyang pamahalaan, at ginastos para rito. Ang tanong, “Bakit nanatiling isa pa rin ito sa pinakamalalaking problema ng ating mga magsasaka?”
Ayon sa International Rice Research Institute, isang dahilan kung bakit nag-iimport ang bansa ng bigas, ay ang kakulangan nang maayos na im-pras-trak-tura sa irigasyon na nagdudulot ng kakulangan ng produksyon.
Nagiging masahol pa ang problema, dahil ang prosesong pag-iimport ng mga produktong pang-agrikultura ay nababahiran pa ng TALAMAK na katiwalian, kung saan ang mga smuggler at mga kakun-tsaba nila sa gobyerno lamang ang nakikinabang. Ang nakakapagtaka lamang, sa kabila ng tanggalan ng mga opisyal at reorganisasyon, patuloy na namamayagpag ang smuggling lalo na ng agricultural products. Ayon pa sa ulat ng I.M.F., lumobo nang higit LABING-LIMANG-BILYONG PISO ang smuggled goods sa kasalukuyang administrasyon. Nagkaroon ng sunud-sunod na pagdinig ang Senado na tumutukoy sa mga smuggler, pero parang malayo pa ang konklusyon sa isyung ito. Mabuti naman at nakapagsampa na ang D.O.J. ng kasong kriminal laban sa negosyanteng si David Bangayan at iba pa nitong kasamahan / hinggil sa smuggling ng bigas. Sana lamang ay maganap ang pagpapakulong sa mga smuggler sa bansa.
KAWAWA NAMAN ANG ATING MGA MAGSASAKA! Inaapi na nga sa sinasakang lupa, pati ba naman ang kanilang produkto ay nasasapawan pa ng murang smuggled products?!
Napapanahon nang ituring ang smuggling bilang economic sabotage. Narapat na ring gamitan ng makabagong electronic technology sa lahat ng mga transaksyon sa Customs upang masugpo ang walang habas at talamak na smuggling.
Ginoong Pangulo, ako po ay nangangamba kapag ipinatupad na sa 2015 ang Asean Free Trade Agreement o AFTA. Kapag pumasok ang murang asukal mula sa Thailand, murang bigas mula sa Vietnam at Cambodia, at iba pang agricultural products, ay unti-unti nitong papatayin ang sektor ng agrikultura. Nararapat na suportahan ang sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng modernisasyon ng mga kagamitang pangsaka, post-harvest facilities at makabagong rice and sugar mills para may laban ang ating mga magsasaka. Kailangan ding bigyan ng subsidy ang mga magsasaka para pambili ng mga kagamitan at fertilizers.
CONDITIONAL CASH TRANSFER
Maganda sa pandinig ang layunin ng CCT, ngunit hindi tayo kumbinsidong sapat ito, bilang isa sa pangunahing poverty alleviation program ng administrasyong Aquino. Ito ay dapat bigyan ng rekadong cash-for-work at job generation programs. Sa kahit anong anggulo kasi natin tignan ang C.C.T., isa itong dole-out program at pansamantalang solusyon lamang sa napakalawak na saklaw ng kahirapan. Lumawak ang sakop ng C.C.T. beneficiaries sa apat na milyong Pilipino at tumaas ang pondo ng animnaput-dalawang bilyong piso ngayong taon. Taun-taong itinataas ang pondo sa para sa CCT. Ito lang ba ang aasahan ng mga mahihirap na pamilya? Kailan po ba sila mabibigyan ng oportunidad para sa trabaho at sapat na sahod? Sana maging maliwanag din ang plano ng pamahalaan kung paano at kailan ito matatapos.
POWER CRISIS
Huli na pero nagpapasalamat tayo sa pag-amin ng pamahalaan sa naka-ambang kakulangan sa suplay ng kuryente. SA WAKAS, naamin na rin ni SECRETARY PETILLA! Sa totoo lang ay taong 2010 pa ramdam ng bayan ang problema sa kuryente lalo na sa Mindanao. Kahahalal pa lamang ng Pangulo noon ay nakaranas na tayo ng rotating brown-outs doon sa Mindianao. Maging sa Luzon grid ay inaasahan na magkukulang ang suplay ng kuryente sa taong 2015.
Malaking isyu ang kakulangan sa suplay ng kuryente dahil apektado ang lahat ng kabuhayan. Kataka-takang hindi binanggit ng Pangulo sa kanyang SONA ang planong harapin ang krisis na nagbabanta sa ekonomiya at sa ating kabuhayan. Hindi kaya ang mga ulat na nakarating kay Pangulong Aquino ay salat sa katotohanan, kulang, o minadyik para gumanda? Hindi kaya ipina-paabot na lamang ng ating mga kalihim ang katotohanan kapag malala na ang problema?
Maaari tayong sumang-ayon sa emergency powers, ngunit sa kondisyon na ito ay may katambal na comprehensive energy plan. Ang planong ito ang dapat na magsisilbing pangmatagalang solusyon sa lumalaking pangangailangan ng suplay sa elektrisidad. Dapat ay isa-isip ang kapakanan ng ating mga kababayan lalo na sa presyo ng kuryente, na lahat tayo ay bigat na bigat na. Pupuwede ring isama sa energy plan kung paano ikukunsidera ang ibang pagkukunan ng enerhiya, at pag-aralan kung ano ang dapat gawin sa Bataan Nuclear Power Plant. Kailangan ding ma-review ang EPIRA sa pagbibigay ng kapangyarihan sa gobyerno na mamagitan at magtayo ng mga bagong planta lalo na at may krisis sa kuryente. Makakatulong pa ang isang libong trabahong malilikha nito sa pump priming ng ekonomiya.
Mahalagang solusyunan ang krisis sa kuryente ng administrasyong Aquino, dahil MAHIHIRAPANG MAKAMIT NG BANSA ANG DAANG MATUWID KUNG ANG DARAANAN AY MADILIM AT WALANG ILAW.
POVERTY INCIDENCE AND UNEMPLOYMENT
Inanunsyo sa SONA ang pagbaba ng tatlong porsyento ng ating poverty incidence. Ang tanong lamang ng bayan ay paano ba sinukat ang bilang ng mahihirap? Ang pagsukat ba ng pag-ahon sa kahirapan ng ating mga kababayan, Ginoong Pangulo, ay batay sa pagkain ng pamilya nang tatlong beses isang araw? Ang kakayahang makabili ng mga pangunahing bilihin? Ang pagkaroon ng sapat na kita at trabaho upang tustusan ang pangangailangan ng pamilya? At ano ang boses ng mamamayan sa balitang ito? Sumasang-ayon ba sila sa datos na ito? Kung higit dalawang milyon ang umahon sa kahirapan, siguro naman ay naramdaman nila ito kahit panandalian lamang.
Maaaring gumanda ang ekonomiya, subalit tila tatlo hanggang limang porsyento lamang ng populasyon ang nakakaramdam nito.
Ang tanong ng ating mga manggagawa – dumami ba ang mga Pilipinong nagkahanapbuhay? Bumuti ba ang kanilang kondisyon sa trabaho sa nakaraang taon? Pupuwede siguro tayong magbigay ng matematikong halimbawa sa isyung ito.
Ang malalaking kumpanya tulad ng SMART ay hindi bababa na mayroong limang libong empleyado. Kung totoo na dalawa at kalahating milyong Pilipino ang bumangon mula sa kahirapan at nagkatrabaho sa nakaraang taon, katumbas ito ng limangdaang kumpanyang kasing laki ng SMART na kumuha ng tig-limang libong manggagawa. Ang tanong ng mamamayan, mayroon ba tayong nakita o nabalitaang limang-daang kumpanyang nagbukas at kumuha ng tauhan? Nakakalungkot na ayon mismo sa International Labor Organization, ANG ATING BANSA ANG MAY PINAKAMATAAS NA UNEMPLOYMENT RATE MULA PA NOONG 2010 SA ASEAN NATIONS.
Ginoong Pangulo, ang mga mamamayan na mismong ARAW-ARAW na dumaranas ng kahirapan, ang nagsabing wala silang naramdamang pagbabago sa kanilang pamumuhay. Hindi naman po siguro kinakailangang kumplikado ang pormula upang masabi kung talagang bumaba ang bilang ng mahihirap sa bansa. Simple lang ang batayan natin sa tanong na ito. HANGGA’T HINDI RAMDAM NG MAMAMAYAN, HANGGA’T HINDI NABABAWASAN ANG MGA NAGUGUTOM NA PAMILYA, HANGGA’T HINDI MAKA-BULUHAN ANG PAGBAWAS NG KAWALAN NG TRABAHO SA BANSA, AY HINDI PA SIGURO NATIN MASASABING TAYO AY TUNAY NA BUMANGON MULA SA KAHIRAPAN.
OVERSEAS FILIPINO WORKERS (OFW)
Tila nakaligtaan din sa SONA ng Pangulo ang ating mga Overseas Filipino Workers o ang mga O.F.W. Parang hindi sila importante sa nakaraang SONA. Four Thousand Five Hundred ang umaalis na OFWs araw-araw. Labing-dalawang milyon na ang ating OFW at twelve percent ito ng ating populasyon. Batid natin na halos lahat ng bawat pamilyang Pilipino ay may mahal sa buhay na OFW na sumu-su-ong sa kapa-hamakan. Noon pa man, ito na ang mukha ng ordinaryong pamilyang Pilipino. Kaya naman sila ang salamin ng TUNAY na kalagayan ng ating lipunan.
Marami sa ating mga kababayan ang wala pa ring trabaho. Kung meron man, hindi sapat ang kanilang sahod kaya pinipili na lamang na mangibang bayan, mawalay sa pamilya, labanan ang kahirapan, at maharap sa panganib. Tulad sa Libya, pinili ng ating mga kababayan na manatili sa gitna ng digmaan sa halip na umuwi dito. Hindi ina-alintana ang pagsabog ng bomba, kaysa balikan nila ang gutom at kahirapan sa ating bansa.
Ginoong Pangulo, nangangailangan ng dagdag na tulong ang ating mga bagong bayani. Sila ay isa sa “backbone” ng ekonomiya at marapat lamang na sila ay kalingain. Taasan dapat ang legal assistance fund para sa mga OFW para maramdaman nila ang ating pamahalaan sa oras ng kanilang pangangailangan.
PEACE AND ORDER SITUATION
Ginoong Pangulo, ang sabi sa SONA, bumaba ang insidente ng krimen sa gitna ng maraming balita ng masaker, kidnapping, ambush at iba pang krimen. Malaking bahagi ng mga headline araw-araw ay kaugnay ng kriminalidad. Ito ang nakaka-bahalang sitwasyon. At sa kabila ng pamamahagi ng gobyerno ng mga bagong armas sa Kapulisan at Sandatahang Lakas, bumaba pa sa 28.6% ang crime solution efficiency ng ating Kapulisan. Kinikilala natin ang nagawa ng administrasyong Aquino upang maarmasan ang lahat ng pulis sa buong bansa. Sana ay makatulong ito sa pagsugpo ng dumaraming bilang ng krimen.
Ang paglala ng krimen ay isang repleksyon ng lumalalang kahirapan. Ayon sa NSCB at PNP, lagpas isang milyon ang krimen noong 2013, kumpara sa dalawang daang-libo noong 2012. Kabilang dito ang bente-sieteng mamamahayag at sampung meyor na inambush at pinatay kamakailan. Ang kawalan ng katahimikan ay masamang pangitain din sa pang-enganyo ng mga dayuhang namumuhunan. NAWALA NGA ANG WANGWANG SA DAAN, NAGLIPANA NAMAN ANG MGA “GAGAMBOYS”, SOLVENT BOYS AT “RIDING IN TANDEM”. Nakakita na ba tayo ng wangwang ng pulis na humahabol sa mga kriminal?
Malaki ring suliranin ang mabagal na hustisya, katulad na lang sa Maguindanao massacre. Limang taon na ang nakalipas, patapos na ang termino ng pangulo, ay wala pa ring pasya ang Korte. Kung ang kasong ito ay hindi umuusad, paano pa kaya ang maliliit na kasong dawit ang ordinaryong mamamayan at mahihirap?
MINDANAO
Kaya marahil sa Mindanao, Ginoong Pangulo, malayo pa tayo sa pagresolba ng tunay na suliraning nagdudulot ng rebelyon. Mabuti ang mithiing kapayapaan sa MILF at ng Bangsamoro Law, subalit kung mananatili ang kahirapan sa Mindanao, malamang mauuwi pa rin ito sa bagong rebelyon.
Ang kahirapan ang tunay na ugat ng mga paghihimagsik sa Mindanao. Sampu sa labing-anim na pinakamahihirap na probinsiya ay matatagpuan sa Mindanao. Ang desperadong pamumuhay at pakiramdam na napapabayaan ng pamahalaan ang nagtutulak para sa ating mga kababayang mag-aklas. Wala na nga silang makain na maayos, walong oras araw-araw pa silang nakakaranas ng rotating brownout!
Ginoong Pangulo, malaki ang papel ng pagkakaroon ng regular na supply ng kuryente sa Mindanao. Kailangan natin ang malinaw na polisiya at programa sa enerhiya ng Mindanao para sa “mura, sapat at istableng” kuryente. Ito ay upang mahikayat natin ang mga mamumuhunan na mag-invest sa Mindanao at magdudulot ng pagsigla sa lokal na ekonomiya.
Kailangang maayos na pag-aralan ang mga paraan upang masulit ang pagiging ‘food basket’ ng bansa ang Mindanao, at marepaso ang Mindanao Strategic Development Framework na binalangkas ng NEDA.
CORRUPTION
Kaisa tayo sa kagustuhan ng mamamayan na lutasin ang isyu ng katiwalian. Isinumite mismo ng ilan sa ating mga kasama sa oposisyon ang kanilang sarili sa proseso ng hustisya. Lumagda po ang inyong lingkod sa Blue Ribbon Committee Report sa paniniwalang DAPAT IPAGPATULOY ang pag-usisa sa pitumpu’t isang bogus na N.G.O. na tinukoy ng COA bukod pa sa “Napoles-NGOs.” Inaasahan nating hindi magtatapos sa pag-aresto at pagpapakulong sa tatlo nating kasamahan ang sa kalaban tiwalian at korapsyon, upang hindi isipin na ito ay may bahid pulitika. Umaasa ang buong bansa sa pag-iral ng hustisya. Nawa’y hindi maging balakid ang usapin ng pagiging kapartido, kaalyado, kaibigan at kamag-anak sa nararapat na maimbestigahan ng anumang uri at anyo ng katiwalian.
Sa kontrobersiya ng DAP, obligasyon nating sundin ang kapasyahan ng Korte Suprema na nagsasabing iligal ito. Sa pagdeklarang unconstitutional ang PDAF, tumalima ang mga Kongresman at Senador. Bakit pagdating sa DAP, nagmaktol ang Malakanyang?
Hindi natin kinukwestiyon ang magandang intensyon ng DAP. Ang kinukwestiyon natin ay ang prosesong pinagdaanan nito na lumabag sa Saligang Batas. Sana ay humingi na lamang ng supplemental budget sa Kongreso ang Malakanyang katulad ng naaayon sa batas.
Gusto rin malaman ng ating mga kababayan kung ano na ang nangyari sa Malampaya Fund? Maging ang mismong pag-kwestyon ni BIR Commisioner Henares sa iregularidad na nangyayari sa PAGCOR ay tinatanong ng ating mga kababayan. Ayon sa BIR tila may kaso ng pandarambong o plunder ang PAGCOR, subalit parang wala nang nangyari sa usaping ito. Mabuti pa ang private casino operators mukhang makakalusot sa pagbubuwis, samantalang ang ating mga kawani ng pamahalaan (ituro ang mga empleyado ng Senado), ay tila magdurusa sa darating na kapaskuhan, at marami pang Pasko!, dahil sa buwis na ipapataw sa mga kakarampot na ngang allowances at mga bonus.
Malaki ang papel ng Freedom of Information Bill laban sa katiwalian, kaya mabilis itong naipasa dito sa Senado. SA WAKAS, isa na itong priority bill sa Kamara. Sa FOI, hindi na catchwords na lamang ang mga salitang transparency at accountability. Subalit, maipapatupad ang FOI sa susunod na administrasyon pa, at hindi sa kasalukuyan.
Marapat sanang pangunahan ng pamahalaang Aquino ang pagpapatupad ng FOI sa LOOB ng kanyang panunungkulan. Lalo na sana sa pagpapanukala at paggawa ng pambansang badyet, upang maitaas natin ang tiwala ng ating mga kababayan sa buong pamahalaan.
DISASTER PREPAREDNESS AND REHABILITATION
Isa sa nais na malaman ng ating mga kababayan, ay ang antas ng ating kahandaan sa kalamidad at rehabilitasyon. Ayon sa SONA, pagkatapos ng paghagupit ng super typhoon Yolanda, di-umano ay apatnapu’t walong oras lang ay agarang tumugon na ang gobyerno sa mga biktima ng kalamidad sa Leyte, Samar, at ibang sinalantang lugar.
Paumanhin lamang po, Ginoong Pangulo. Pero tila malayo ito sa katotohanan ng mga nangyari, at isa itong malaking insulto para sa mga namatay sa delubyo! Alam ng sambayanan na hindi agad naka-responde ang gobyerno, at hindi maka-landing ang C-130 sa Leyte, kung kaya’t nauwi sa kaguluhan at nagkaroon ng malawakang looting sa Tacloban.
Ang katotohanan, sinikap na pagpasensiyahan ang mala-pagong na pagtugon ng ating pamahalaan. Kakaiba nga namang delubyo ang Yolanda at hindi pa tayo nakaranas ng ganitong kalaking kalamidad.
Saksi rin ang maraming lokal at international media sa kabagalan ng pag-aksyon ng pamahalaan. Sa pamamagitan ng CNN report, naisalarawan ang kawalan ng madaliang pagkilos ng ating pamahalaan para makapag-abot ng tulong sa mga lugar na nasalanta. Mabuti na lamang at mabilis na dumating ang mga ayuda galing sa ibang bansa para mapabilis ang relief operations.
Sa mga nag-iimbento ng maling impormasyon at nagpapabagal ng proseso ng rehabilitasyon, nawa’y mabatid ninyo na sa bawat oras at araw na naantala ang pagbibigay ng relief goods, pinsala at kamatayan ang dinudulot nito. Makupad pa rin hanggang ngayon ang pagsisikap ng gobyerno sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar. Halos dalawang libong pamilya ang patuloy na naninirahan sa tent cities sa Tacloban at higit limang libo ang kailangang ilipat mula sa no-build zones. Sa ngayon, rehabilitation plan pa lang ang meron tayo. Bilyones na dolyar ang donasyon ng iba’t-ibang bansa para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar. Gustong malaman ng ating mga kababayan kung ano na ang nangyari rito. SA BAWAT ARAW AT GABI NA NATUTULOG ANG ATING MGA KABABAYAN SA TENT CITY, AY ARAW AT GABING NAPAPABAYAAN NATIN SILA.
Sa kaso ng Zamboanga siege, hindi tamang paasahin ang mga naging biktima na lilipat na sila sa bagong tirahan ngayong Agosto. Dahil ang katotohanan, ginagawa pa lamang ang clearing operations sa Martha Drive. Hindi pa umuusad ang rehabilitasyon at mismong ang project officer na po ang nagsabing imposibleng matapos nila ang mga tirahan ngayong Agosto.
(PAUSE FOR VIDEO: Audio in: “Totoong may tinayo…. Audio out: …sabi nila 70 percent.”)
Ang super-typhoon Yolanda at ang Zamboanga siege ang maliwanag na nagpapakita ng kawalan ng kahandaan ng ating pamahalaan sa isang kumprehensibong solusyon para sa disaster preparedness. Matagal na nating ipina-panukala ang pagpapatawag ng National Disaster Preparedness and Rehabilitation Summit. Ito ay lalahukan ng mga dayuhan at lokal na eksperto, ng mga lokal na pamahalaan, mga opisyal ng pambansang pamahalaan, N.G.O.’s, private institutions at mga mama-mayan. Tanggapin na natin ang katotohanang lagi tayong makakaranas ng malalakas na kalamidad at kinakailangan na natin itong harapin bilang isang bansa.
CLOSING STATEMENT
Kagalang-galang na Pangulong Aquino, tumindig po ako bilang miyembro ng oposisyon. Huwag po ninyong akalain na ito ay para lang bumatikos. Ganito po talaga ang esensya ng demokrasya, na ipi-na-ngako ng EDSA. Huwag ninyong isiping tinatawaran ko ang inyong kakayanan o hangarin. Ninanais po lamang ng ating mga kababayan na mabatid ninyo ang tunay na kalagayan ng ating bayan. Ika nga “it’s lonely to be on top” at siguro ang magagandang bagay lamang ang gustong ipaabot sa inyo ng inyong mga tauhan.
Sa inyo Ginoong Pangulo, sa ating mga kasama sa Senado, Kongreso at Hudi-katura, sa ating mga kasamang naninilbihan sa pamahalaan at sa ating mga kababayan, kailangan nating pagtulung-tulungang lutasin ang mga suliranin ng ating lipunan. Subalit, hindi ito malulutas kung itatago natin ang katotohanan sa mga mapalabok na pananalita at hindi bibigyan ng kaukulang pansin.
Ang ating pagkakahati-hati sa iba’t-ibang kulay pampulitika ay hindi nakakatulong. Sa halip, ito ay nakaka-dagdag pa sa suliranin ng ating bansa. Habang nananatili ang pagtinging nakabatay sa kulay, baka wala talaga tayong patunguhan kung hindi ang patuloy na kahirapan, kaguluhan, at kawalan ng direksyon. Sa halip na ipagpalagay na ang mga “dilawan” lamang ang magagaling at malilinis, bakit hindi natin subukang umupo bilang isang pamahalaan para pag-usapan ang lahat ng bagay na makakabuti sa ating mga kababayan? Sabi nga ni Senador Enrile, “ANG USAPIN NG BAYAN AY HINDI PWEDENG KAYO-KAYO, HINDI PWEDENG KAMI-KAMI, KAILANGAN BUONG BAYAN!”
Batid nating hindi madaling maging Pangulo, subalit marami talagang usapin na kailangang harapin ng halos sabay-sabay at nilalapatan ng maayos na plano. Makakatulong kung mayroon sanang masterplan at long-term vision sa aspeto ng ekonomiya, imprastruktura at transportasyon, kahirapan at trabaho, korupsyon at iba pa.
Pangulong Aquino, hangad naming magtagumpay kayo sa dalawang taong nalalabi pa sa inyong termino. Ngunit dapat muna ninyong harapin at tanggapin ang mga suliranin at mga pagkukulang bago ito ma-solusyunan. Umaasa kaming ang inyong tututukan ay ang problema hinggil sa kawalan ng trabaho, hindi sapat at murang pagkain at salat na suplay ng kuryente.
Sa pagresolba sa suliranin ng ating lipunan, mga kababayan, mga kasamang lingkod bayan, kinakailangang ang ating katapatan ay walang bahid ng kulay pulitika. BAGKUS, I-ALAY NATIN ANG ATING KATAPATAN SA ATING SALIGANG BATAS, SA ATING BANDILA, AT SA ATING BANSA.
Maraming Salamat, magandang hapon at Mabuhay ang sambayanang Pilipino!