Ginoong Pangulo, magandang hapon.

Noong nakaraang buwan, ipinagdiwang natin ang ika-isandaan at limampung anibersaryo ng kapanganakan ni Gat. Andres Bonifacio. Isang pagdiriwang upang kilalanin ang kanyang dakilang ambag at pag aaalay para sa bayan. Si Gat Andres ang ama ng Katipunan; Sagisag ng Katapangan; Ama ng rebolusyon; Pangulo ng Bayang Katagalugan noong panahon ng himagsikan.

Kilala natin si Andres Bonifacio bilang pinuno ng Katipunan at nagsulong ng Himagsikan laban sa Kolonyalistang Espanyol na sinimulan noong ika-labing walong libo siyam napu’t anim sa bayan ng San Juan del Monte, nakilala ito bilang Pinaglabanan. Karamihan sa mga teksto ng libro na pinag-aaralan ng kabataan, naiuugnay lamang si Bonifacio sa Katipunan at sa Himagsikan. Maliban dito, nakalulungkot man pong sabihin, wala na tayong pagkakakilala kay Bonifacio.

Maraming mga monumento at kalsada na ipinangalan kay Bonifacio sa iba’t-ibang lugar sa buong bansa. Ngunit  si Bonifacio lamang ang walang museo na iyon sana ang maglalahad ng kanyang buhay at mga nagawa para sa bayan.                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                           Ngunit sino ba satin ang tunay na nakakabatid sa pagkatao at kadakilaan ni Bonifacio? Palagay ko po, lahat ng ito ay nakabatay sa palagay, haka-haka o ayon sa mga kuwento, at walang makapagsasabi na ito talaga ang tunay na Andres Bonifacio. Marahil, ang kwento ng kanyang buhay at pakikibaka, ng kanyang kadakilaan at dakilang pag aalay para sa kalayaan ng Inang Bayan ay kasamang naibaon sa pook kung saan siya inilibing. Walang pangalan. Walang pagkakakilala.

Ginoong Pangulo, Kung susuriin natin hindi tulad ng mga bayaning sila Jose Rizal o Heneral Emilio Aguinaldo, wala pong natirang direktang kamag-anak si Andres Bonifacio na makakapagpatunay sa mga ginawa nito para sa ating bayan. Marahil po dahil sila’y tinugis ng kapwa kawal Pilipino noong panahon ng Himagsikan at kahit matapos ang rehimen ng Kolonyalistang Kastila. Ang pamilya ni Espiridiona na kapatid na babae ni Gat Andres Bonifacio ay nagtago sa Mindoro, si Troadio ay pumunta sa Pransya samantalang nagtago naman ang mga anak ni Procopio ang iba’y nagpalit ng pangalan at apelyido. Ganyan po kapait ang dinanas ng pamilyang ito.

Kung si Heneral Aguinaldo ay may bahay sa Kawit, Cavite at si Jose Rizal ay sa Calamba, Laguna, na parehong ginawang mga “shrine”, ang bahay sa Tondo ni Bonifacio ay kilala na lamang natin ngayon bilang Tutuban. Kung ang labi ni Rizal ay nasa Luneta at ang kay Aguinaldo ay nasa Kawit, ang kay Bonifacio at kapatid nito ay nasa mga bulubundukin ng Maragondon na hindi pa din nabigyan ng maayos na paglilibing. Marami pa ngayon ang nagdududa kung yoong nahukay ng buto at idinala sa pambansang museo ay yoon nga ang labi ni Gat Andres Bonifacio.

Samakatwid, Ginoong Pangulo, makalipas ang isandaan at limampung taon, patuloy pa din na dumaranas ng panlulupig ang ating Bayani. Tingnan lamang po natin ang sitwasyon ng ating bayani.

Dati ay nasa limang piso sa ating pananalapi ang larawan ni Bonifacio sa aking pagkaka – alala noong ako ay bata pa. Makalipas ang ilang taon ay isinama na lamang siya kay Mabini sa sampung pisong papel at sa kasalukuyan ay naging barya na lamang ito.”

Noon pong ako ay nasa Kongreso, isinulong ko rin po ang panukala upang isadakila ang kabayanihan ni Gat Andres at nagmungkahi na kilalanin ang Pinaglabanan Shrine bilang Bonifacio Shrine.

Ginoong Pangulo sa San Juan ang lumang Museo ng Katipunan na dating nakalagay sa mas maliit na lugar ay pinagpagawaan po ng inyong lingkod ng mas malaking Museo sa loob ng Pinaglabanan Shrine. Inisip ko pong palakihin ito upang mapagsama natin ang mga dati ng diorama, artifacts at litrato sa mga makabagong teknolohiya ng pagpapakilala sa mga Katipunero. Ito ay isang paraan din upang magunita ang kadakilaan ni Andres Bonifacio at mga Katipunero.

Sa dating Museo ng Katipunan, inilarawan nito ang kasaysayan at pakikibaka ng Katipunan bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo at dakilang pag-aalay para sa kalayaan ng Inang Bayan.

Ginoong Pangulo, Sa bagong Museo ng Katipunan na ngayo’y

pinangangasiwaan na ng National Historical Commission of the Philippines, ang Museo po ay nilunod ng computers at interactive gadgets. Naglaho at nawala na ang mga maka-kulturang pagsasalarawan na aspeto nito na makikita natin sana sa pamamagitan ng diorama at artifacts.

Ang diorama sa dating Museo ay nagsasabuhay sa aktwal na pangyayari noong panahon ng Himagsikan.

Wala na po ang makasining na diorama at mahahalagang artifacts. Marahil ito na rin ang dahilan kung bakit kumaunti ang bilang ng mga bumibisita sa Museo ng Katipunan dahil nagmukhang Internet Cafe na lamang ito.

Kung dati rati’y halos isang daang mga bus ang bumibisita sa Museo ng Katipunan, ngayon po ay maswerte na ang dalawang bus sa isang linggo.

Mabanggit ko na lang din po. Iyon pong bagong Museo ng Katipunan ay galing po sa pondo noong ako ay kinatawan ng lungsod ng San Juan. Sinikap ko pong makapagpatayo ng mas malaking Museo bilang ambag sa pagpapayaman ng kasaysayan at pagbibigay pugay sa kabayanihan ng ating mga dakilang mártir at bayani. Matapos maitayo ang gusali ng Museo ay inilipat na ito sa pamamahala at pangangasiwa ng NHCP.

Mabalik po tayo kay Andres Bonifacio, na tulad ng masang Pilipino, siya po ay pinagkakaitan ng puwang na mapabilang sa hanay ng mga Ilustrado at naghaharing uri. Kaya po sadyang walang dambana at maayos na pagpapakilala dito.

Marahil pumanaw na tayo, pero hindi pa din natatamasa ni Gat Andres ang tunay at wastong pagdadakilala sa kanyang kabayanihan. Magpapatuloy po ang ganitong hindi matuwid na kaayusan hangga’t ang ating lipunan ay pinamumunuan ng mga naghaharing uri. Mapait man, ito po ay katotohanan dahil hindi papayag ang mga elitista, mga hasendero at mga Ilustrado na mahaluan sila ng mga Indio, ng masa at mga hindi nila kauri.

Pero hindi na po bale. Maski marahil si Bonifacio, hindi nito inisip o inakala na mapabilang sa mga Ilustrado at kilalanin. Ang higit na mas mahalaga ay inilaan nya ang kanyang dugo, pawis, at buhay para sa ating Inang Bayan. Isang pagpapakabayani na hindi naghihintay ng pagkilala o parangal.

Iyan po ang dapat nating higit na sariwain sa naging pagdiriwang ni Andres Bonifacio sa kanyang ika-isandaan at limampung taon na anibersaryo.

Upang bigyan ito ng higit na pagkilala, isadambana na lang po natin si Bonifacio sa ating mga puso at pag-iisip. Higit na mas idadakila natin si Gat Andres kung ating tutularan ang kanyang pag-aalay ng buong lakas pag-iisip para sa interes at kagalingan ng ating Inang Bayan.

Mabuhay ang Supremo ng Katipunan! Mabuhay ang Dakilang Anak ng Bayan! Mabuhay si Andres Bonifacio.

Maraming salamat po, Ginoong Pangulo.