Nakakalungkot ang patuloy na kalagayan ng ekonomiya at kabuhayan sa mga lugar na lubos na sinalanta ng super typhoon Yolanda.

Napakabagal ng pagbangon ng mga lugar tulad sa Tacloban, na siyang dating isa sa masisiglang sentro ng komersiyo at kalakalan sa Kabisayaan.

Nananatiling miserable pa rin ang marami sa ating mga kababayan na hirap maghanap ng trabaho, o kaya’y buhayin ang kanilang kabuhayan.

Nakatulong sana sa pagsisikap na makabangon ang ating mga kababayan kung naipatupad ang mungkahi ng inyong lingkod na dalawang taong tax relief sa mga lugar na tinamaan ni Yolanda.

Sa kasamaang-palad, ura-uradang ibinasura ito ni BIR Commissioner Kim Henares.

Animo’y walang-puso sa pagpiga ng buwis si madame, at pati ang mga nasalanta na halos walang natirang ari-arian ay hindi man lang pinayagang makahinga kahit sandali. Boom!

Bilang tax czar, batid nating gusto lamang umabot ni Henares sa tax target ng bansa. Ngunit may iba namang mga paraan na hindi kasing lupit na kawalan ng tax relief sa mga nasalanta ng kalamidad.

Ang mga lugar na sinalanta ng Yolanda ay kinakailangang matulungang maibangon ang mga ekonomiya. Upang mabangon at maipatakbo muli ang ekonomiya sa mga lugar na ito, kailangan akayin ang mga negosyo upang maibalik ang trabaho at hanapbuhay.

Ang pinakamalaking tulong ng pamahalaan sa ngayon ay huwag nang dagdagan ang pinapasan ng mga nasalantang mga negosyo. Hayaan munang makabangon ang negosyo bago ito patawan ng buwis.

Sana ay maging mahabagin ang commissioner sa ating mga kababayan sa oras ng kalamidad katulad noong kasagsagan ng Yolanda.

Huwag naman sanang maulit, ngunit kung may mangyari na ganyang mga klaseng kalamidad, sana ay maging maluwag ang mga patakaran ni Henares at gawing tax-exempt ang lahat ng uri ng donasyon upang mabilis na makarating ang mga ito sa nangangailangan.

Panawagan ko lang kay Commissioner Henares na pagnilayan muli ang aking mungkahi na dalawang taong moratorium sa buwis, kahit na anim na buwan na ang nakalilipas nang tinamaan ang ilang lugar sa Visayas ng Yolanda.

Sa ganitong paraan, mapapabilis natin ang pagbalik ng kabuhayan, trabaho at pagkain sa lamesa ng mga apektadong pamilya. Yon o!

###

Samantala, napakasaya ng naging basaan o Wattah Wattah Festival sa amin sa San Juan nitong nakalipas na linggo.

Patok talaga itong piyesta dahil hindi pa man sumisikat ang araw, ay nagbabasaan na sa buong lungsod!

Sinimulan ng inyong lingkod ang Wattah Wattah sa San Juan noong ako ay Mayor. Kaya naman masaya ako dahil ngayon isa na ito sa pinakamasasaya at makabuluhang pista sa buong bansa.

Kunektado naman ang pambabasa dahil selebrasyon ito sa katauhan at ministeryo ng aming patron na si San Juan Bautista.

Dahil pag-aakto ito ng binyag, may ilang patakaran ang lungsod ng San Juan na ipinapatupad tuwing basaan, tulad ng mga sumusunod:

1.      Hindi lahat ng klase ng tubig ay pupuwedeng ipambasa sa Wattah Wattah. Dapat ay malinis ang tubig, hindi mainit at walang kulay.

2.      Hanggang alas dose ng tanghali lang din pupuwedeng mambasa.

Sa ganitong paraan, nasisiguro naming kahit papaano na walang magkakasakit at mapapaaway sa gitna ng kasiyahan.

Sana ay nakisali kayo sa aming pista.  Kung hindi pa ninyo ito nararanasan, ay welcome kayong makipag-Wattah Wattah sa amin sa susunod na taon. Yon o!!

###

Muli, maraming salamat sa pagtangkilik sa pitak na ito at nawa’y masubaybayan pa ninyo ang mga susunod kong artikulo na tumatalakay sa lahat ng bagay.

Laging tandaan, basta’t para sa bayan, ang inyong lingkod ay narito lamang na parating nakamasid at handang itaas ang kapakanan ng taumbayan.