Sa pananalasa ng bagyong ‘Ompong’ ay muling lumutang ang kabutihang loob ng mga Pilipino dahil ngayon ay nagtutulong-tulong na naman tayo para damayan at alalayang makabangon at makapagsimu­la muli ng buhay ang mga biktima.

Hindi lamang ang gobyerno kundi mga ordinaryong mamamayan ang boluntaryong nagbibigay ng tulong sa abot ng kanilang makakaya sa mga nasalanta ng bagyo.

Sa inyong lahat, saludo ang inyong lingkod! Wala mang paraan para makausap kayo ng mga biktima, sigurado tayo na labis-labis ang kanilang pasasalamat sa inyong kagandahang-loob.
Dahil sa patindi nang patindi ang mga bagyong nagla-landfall sa Pilipinas, kailangan na talagang maisabatas ang panukala natin na magtatag ng isang departamento na nakatutok sa disaster na palagi nating nararanasan tulad ng bagyo.

Ang tinutukoy natin ay ang ating Senate Bill No. 1553 na naglalayong itatag ang Department of Disaster and Emergency Management.

Ang departamentong ito ang magsisilbing focal agency sa pagharap natin sa mga kalamidad at pagpapatupad ng emergency management, disaster preparedness, response and mitigation, at risk reduction.

Sa ngayon, ang National Disaster Risk Reduction Management Council ang panguna­hing ahensiya, kasama ang iba pang kagawaran ng gobyerno, ang gumagawa ng mga tungkuling ito.

Sa ating panukala, pag-iisahin sa Department of Disaster and Emergency Management ang mga hakbang tulad ng relief at rehabilitation effort ng gobyerno at palalakasin din nito ang kakayahan ng mga local government unit sa pagharap sa hamon ng mga disaster at emergency situation.

Sa pamamagitan ng Department of Disaster and Emergency Ma­nagement, magiging mas epektibo ang gobyerno sa paglalatag ng polisiya at papapatupad ng organisadong mga hakbang para sa kaligtasan ng ating kababayan o ma-minimize man lang ang pinsala ng mga trahedya kung hindi ito maiiwasan.

Hihikayatin natin ang ating mga kasamahan sa Senado na bigyan ng prayoridad ang ating panukala at naniniwala naman tayo na susuportahan ito ng ating mga kasamahan lalo pa’t ang kaligtasan at kapakanan ng ating kababayan ang nakataya.

Source: https://tonite.abante.com.ph/kailangan-na-ang-department-of-disaster-and-emergency-management.htm