Pinagpaliwanag ni Senador Joseph Victor G. Ejercito ang mga kinatawan ng Department of Transportation and Communications (DOTC) kung anong aksyon ang ginawa nito upang matustusan angoperational requirements ng Philippine National Railways (PNR).      
Isinagawa ito ni Senador Ejercito sa hearing na ipinatawag ng Senate Committee on Public Services, Sub-committee on Transportation ngayong araw upang talakayin ang planong modernisasyon at rehabilitasyon ng PNR.
Ayon kay Senador Ejercito, batid niyang ang orihinal na pondong hiningi ng PNR ay 11 Bilyong piso ngunit 2.2 Bilyong Piso lamang ang naibigay para sa taong 2015. Dahil sa kakulangan ng pondo, humihiling ngayong taon ang PNR ng dagdag pamasahe mula sa mga pasahero.
“Walang kwestiyon na kailangan ng rehabilitasyon at modernisasyon sa tren at pasilidad ng PNR dahil para ito sa interes ng taumbayan at bansa. Ngunit dahil nga kokonti lamang ang pondong inilaan ng Department of Transportation and Communications o DOTC sa PNR kaya’t humihiling ito ng dagdag ng pamasahe. Kailangang akuin ng gubyerno ang  mabuting plano at programa ng PNR sa pamamagitan ng sapat na alokasyon  ng pondo dito. Kaya nakakalungkot na hindi ito ginagawa ng DOTC para sa PNR. Hindi rin dapat ang taumbayan ang pumasan ng gastos para sa PNR sa pamamagitan ng fare hike,” sabi ni Sen. Ejercito.
Inirehistro rin ng senador na mayorya ng pasahero ng PNR ay mga karaniwang manggagawa, kawani, tindera, maralitang lungsod, estudyante  at iba pang kakaunti lamang ang pinagkakakitaan.
“Hindi tamang sumingil ng dagdag na pamasahe lalo na’t higit na naghihirap ang ating mga kababayan na silang pasahero ng PNR. Tulad ng sa MRT at LRT, kailangan muna nating paunlarin ang serbisyong ibinibigay sa taumbayan upang maging makatwiran ang anumang hinihiling na pagtataas sa pamasahe sa tren. Responsibilidad ng gubyerno sa pamamagitan ng paglalaan ng sapat na pondo ang mass transportation na pinakikinabangan ng husto ng taumbayan at bayan,” giit ni Senador Ejercito.  
 
Matatandaan na nagpanukala kamakailan ang PNR ng  pagtataas ng pinakamababang pamasahe nito mula P10.00 sa P15.00  at mula P45.00 naman tungong P60.00 sa pinakamataas na pamasaheng sinisingil nito para sa biyaheng Tutuban patungong Calamba, Laguna.
###

Press Release

Rikki Mathay /( 02) 5526748