Kung noong dati ay kaliwa’t kanang papuri ang inaani ni Congressman Manny Pacquiao kapag natatapos ang laban, ngayon ay tila nag-iisa lamang ang nakaalala sa Pambansang Kamao.

Bagama’t noong nakaraang Linggo pa lumaban si Pacquiao kung saan tinalo ito ni Floyd Mayweather Jr., hanggang sa ngayon ay tanging si Senador JV Ejercito pa lamang ang nagsasampa ng resolusyon para papurihan ang boksingero.

Sa Senate Resolution 1307 na inihain ng senador, binigyan-diin nito ang umano’y natatanging katapangan ni Pacquiao para iangat ang puwesto ng Pilipinas mula sa kasalukuyang estado nito sa pandaigdigang boksing.

Ang nabanggit na re­solusyon ay pinamagatang “Resolution Commen­ding the People’s Champ Congressman Emmanuel “Manny” Pacquiao for his exceptional performance during “The Fight of the Century” against Floyd Mayweather, Jr. on May 2, 2015 at the MGM Grand Arena in Las Vegas, Nevada and for contribu­ting to the Filipino pride.”

“The contributions of Congressman Manny Pacquiao to the sport of boxing shall forever leave an indelible mark not only in the hearts and minds of the Filipino People but of the whole world regarding him as one of the best fighters in the world of sports,” dugtong pa nito.

Sa Kamara, naniniwala naman si Magdalo Rep. Gary Alejano na nasa tamang panahon na para magretiro sa boksing ang Pambansang Kamao.

“…kailangan na niyang magpahinga sa bo­xing at mararamdaman din naman niya ‘yun, 36 years old na rin siya. ‘Pag tingin niya na medyo mahina na rin siya he should not pursue the issue otherwise masisira ‘yung kanyang kalusugan,” sabi pa ng kongresista.